Thursday, November 30, 2006

Tinalikuran na ba ng mga OFW ang OAV?

Ilang taon ding ipinaglaban ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat (OFW) ang mabigyan ng karapatan na makilahok sa pagpili ng mga mamumuno sa ating pamahalaan.
Noong taong 2004, sa pamamagitan ng Overseas Voting Law na ipinasa ng kamara, sa kaunaunahang pagkakataon ay naranasan ng mga OFW ang bumoto kahit pa malayo sila sa Pilipinas.

Ngunit ang iniaasahang malaking magagawa ng mga OFW tungo sa pagbabago ng direksyon ng halalan sa ating bansa, sa pamagitan ng tinatawag na OFW Vote, ay naunsiyami dahil sa napakababang bilang ng mga OFW na nagtiyagang marating ang tatatlong itinalagang voting centers para makilahok sa naturang halalan.

Itinuturong pangunahing dahilan sa mababang bilang ng mga OFW na nakilahok sa nakaraang halalan ang kakulangan ng kakayahan ng karaminhan sa mga OFW dito sa Suadi Arabia na mapuntahan ang tatlong itinalagang voting centers sa Riyadh, Jeddah at Dammam. Sa Riyadh halimbawa, ang itinalagang voting center ay ang Philippine Embassy compound. Alam ng lahat na bukod sa napakalayo nito sa kinalalagyan ng karamihan sa mga OFW, hindi ito nadadaanan ng mga pangpublikong sasakyan. Ang mga OFW na may mga sariling sasakyan o kaya’y may mga shuttle buses ang kompanya lamang ang makakapasok doon.

Ito rin ang naging dahilan kung bakit sa taong ito, pinahintulutan ng Comelec ang committee on continuing overseas absentee voters registration na gawin ang registration on site.

Kamakailan lang ay napabalita na sumasangayon na ang Comelec na pahintulutan ang postal voting sa darating na halalan sa ilang piling bansa. Isa itong napakagandang balita sa mga OFW sa iba’t ibang panig ng daigdig tulad ng Hongkong at United Arab Emirates. Ngunit hindi kabilang sa mga napiling bansa kung saan hahayaan ang postal voting ang Saudi Arabia.

Ano nga ba ang postal voting o voting by mail na tinatawag? Ang postal voting ay isang paraan ng pagboto kung saan ang botante na wala sa sariling bansa ay papadalhan ng Comelec ng balota sa pamamagitan ng koreo, sa address na nakatala sa overseas absentee voters register. Pagkatanggap ng balota, isusulat ng botante ang mga gusto niyang ihalal at pagkatapos ang balota ay ibabalik niya sa Comelec sa pamamagitan din ng koreo. Maglalaan ang Comelec ng sapat na bilang ng araw para isagawa ang postal voting.

Kung pahihintulutan ang postal voting dito sa Saudi Arabia, mas maraming bilang ng mga registered OFW voters ang makakabuto sa darating na halalan dahil hindi na nila kakailanganin ang bumiyahe patungong embahada o consolada para bomoto. Bagkus ang balota ay darating sa kanila sa pamamagitan ng koreo. Alam naman natin na lahat ng mga kompanya dito ay may kanya kanyang postal box number (P.O. Box) kaya napakadaling makaabot sa botanteng OFW ang kanyang balota.

Dahil nga sa hindi kabilang ang Saudi Arabia sa listahan ng mga bansa na papayagan ang postal voting, inilunsad ng ilang samahan sa Riyadh ang isang panawagan sa chairman ng Committee on Overseas Absentee Voting ng Comelec, Hon. Commissioner Faustino Tuazon, Jr., na isama ng naturang ahensya ang Saudi Arabia sa mga bansa na kung saan ipatutupad ang postal voting sa darating na halalan.

Ngunit interesado pa ba ang mga OFW na makialam at makilahok sa pagbuo ng hinaharap ng ating bansa sa pamamagitan ng pag boto sa darating na halalan, o sawa na ba sila sa nakikitang kinahihinatnan ng Pilipinas, at tuluyan ng tinalikuran ang napakatagal ding ipinaglabang karapatan?

Ganito nga ba talaga ang Pinoy?