Wednesday, June 27, 2007

Dapat bang Ibasura ang Omnibus Policies ng OWWA

With the revival of discussions on OWWA issues in the various Overseas Filipino discussion boards, I am reproducing here an article I wrote three years ago. Please read on.

Dapat bang Ibasura ang Omnibus Policies ng OWWA

Nitong mga nakaraang araw ay natunghayan natin sa mga pangunahing pahayagan ang mga pagbatikos ng mga OFW sa pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ang kompanyang pinapasukan ang siyang nagbabayad ng kontribusyon ng OFW sa OWWA. Ang pahayag ang siyang ginawang depensa ng pangasiwaan ng OWWA laban sa kasong isinampa ng Philippine Migrant Rights Watch (PMRW) para sa pagpapawalang bisa sa Omnibus Policies na ipinasa ng OWWA noong Septiembre 19, 2003 sa pamamagitan ng Board Resolution No. 038.

Ano nga ba ang nilalaman ng Omnibus Policies ng OWWA, at bakit ibig itong ibasura ng mga OFW?

Sa kabuuan, ang Omnibus Policies ay siyang tumatayang panuntunan sa pagpapalaganap ng programa, serbisyo, at benepisyo para sa mga OFW na kasapi ng OWWA.. Dito rin isinasaad kung paano pangangasiwaan at palalaguin ang pondong nalikom mula sa mga kontibusyon ng mga kasapi.

Ayon sa PMRW, sa kabuuan ay walang bisa ang Omnibus Policies dahil walang naganap na malawakang pagdinig tungkol dito, at hindi rin ito nailathala sa mga pahayagan bago ipinatupad.

Ayon sa Letter of Instruction (LOI) 537, ang batas na lumikha sa OWWA, ang US$ 25 kontribusyon ay dapat singilin sa employer ng OFW. Sa bagong Omnibus Policies, hindi na isinasaad kung kanino manggagaling ang naturang kontribusyon. Sa pananaw ng mga OFW na sumusubaybay sa isyung ito, ang ibig mangyari ng mga nangangasiwa ng OWWA ay gawing lehitimo ang nagiging kalakaran na sa OFW mismo sinisingil ang US$ 25 na kontribusyon, na ayon sa PMRW ay “isang uri ng illegal exaction of fees”.

Kung nais ng mga nangangasiwa ng OWWA na baguhin ang paraan ng pagbabayad ng kontribusyon, ito ay dapat idaan sa Kongreso at gawin sa pamamagitan ng pagsusog sa LOI 537, at thindi sa pamamagitan ng isang board resolution lamang.

Isinasaad din sa Omnibus Policies na magiging epektibo ang pagiging kasapi ng isang OFW mula sa araw ng pagbabayad nito ng kontribusyon hanggang sa pagtatapos ng kanyang kontrata (Sec. 3, Art. 4). Kailangang irenew ang pagiging kasapi, sa pamamagitang ng pagbabayad ng kaukulang kontribusyon, kapag nakakuha ng bagong kontrata o kaya’y binigyan ng contract renewal ng kasalukuyang employer (Sec. 4, Art. 4).

Sinisingil ng OWWA ang bawat OFW ng kontribusyong US$ 25 tuwing makalawang taon. Ito marahil ay sa kadahilanang kadalasan ang isang employment contract ay para sa dalawang taon lamang. Pagkaraan ng dalawang taon, maaring irenew ng employer ang naturang kontrata, at maari din namang humanap ng ibang kontrata ang OFW.

Hindi malinaw sa Omnibus Policies ang ibig sabihin ng “expiration of the employment contract”. Dahil maaring materminate ang serbisyo ng isang OFW kahit hindi pa natatapos ang dalawang taon, marami ang natatanong kung sa mga ganitong kaso, maituturing bang expired na rin ang membership ng OFW, na ang ibig sabihin ay hindi na siya entitled sa alin mang benepisyo na isinasaad sa Omnibus Policies? Ayon sa PMRW, dahil sa bagong Policies, “mahigit sa 1,700 claims na may kabuuang halaga ng Php 16M ang sinuspinde ng OWWA”. Ang mga nasabing claims ay para sa burial at death benefits, ayon pa rin sa PMRW.

Kung tutuusin, hindi naman kabigatan ang kontribusyong US$ 25 tuwing ikalawang taon, kung ihahambing sa mga benepispo na nakalaan para sa mga kasapi.

Ayon sa Omnibus Policies ang isang kasapi ay covered ng life insurance kung saan ang kanyang pamilya ay tatanggap ng Php 100,000 kung sakali’t siya’y mamatay habang nagtatrabaho sa ibang bansa, o Php 200,000 kung ang sanhi ng pagkamatay ay aksidente. Dagdag pa dito ang disability at burial benefits. Ang mga naturang benepisyo ay kukunin sa Insurance Benefit Program Fund. Ito ang pondo kung saan sa bawat kontribusyon na S$ 25, naglalaan ang OWWA ng Php 165.00.

Nagbibigay din ang OWWA ng loan guarantee sa mga kasaping ibig kumuha ng Pre-Deaprture Loan (PDL) o ng Family Assistance Loan (FAL), na hindi hihigit sa Php 40,000, sa alin mang government financial institution. Para sa programang ito, bumuo ang OWWA ng loan guarantee revolving fund na nagkakahalaga ng Php 100 M.

May mga education and training benefits ding ibinibigay ang OWWA, kung saan taon taon ay naglalaan ito ng Php 6M para sa skills for employment program, at Php 10M naman para sa seafarer’s upgrading program. Taon taon ding pumipili ng 100 scholars ang OWWA kung saan ang bawat scholar ay binibigyan ng Php 10,000 para sa matrikula at Php 20,000 naman para sa allowance bawat semester.

Sa ilalim ng Social and Family Welfare Services ay may repatriation and reintegration programs naman ang OWWA. Hindi isinasaad sa Omnibus Policies kung magkano at saan manggagaling ang pondo para sa mga programang ito. Ang repatriation program ay tugon sa sinasaad ng RA 8042, o ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, kung saan isinasaad na ang OFW ay bibigyan ng nararapat na tulong upang mapabilis ang pagbalik nito sa Pilipinas. Ngunit ang programang ito ang isa sa laging binabatikos ng mga OFWs dahil na rin sa kabagalan ng pagtugon ng OWWA sa oras ng pangangailangan.

Ngunit bakit sa mistulang napakagandang mga benepisyo na inihahain ng OWWA para sa mga kasapi ay marami pa rin ang tumululigsa at tumututol sa patuloy na pagpapatupad nito ng Omnibus Policies?

Ang isa sa mga isinusulong ng mga OFW ay ang pagkakaroon nila ng mas maraming representasyon sa Board of Trustees. Sa kasalukuyan, pito (7) sa labingdalawang (12) director ng Board ay galing sa ahensiya ng pamahalaan; isa sa management sector; isa sa labor sector, isa sa sea-based OFWs; isa sa land-based OFWs; at isa sa women sector. Hindi malinaw sa Omnibus Policies kung bakit kinakailangan ang represntative mula sa management sector. Hindi rin isinaad ang pagkakaiba ng labor sector representative sa sea and land based OFW representatives. Sa pananaw ng mga OFWs, kung ang OWWA ay talagang para sa kanila, nararapat lang na maging mas marami ang kanilang representasyon sa naturang lupon.

Malaki rin ang puna ng mga OFWs sa kawalan ng malawakang pagdinig sa mga programang binalangkas ng OWWA bago ipatupad ang mga ito. Kapunapuna, halimbawa, na ang mga kasalukuyang benepisyo na nakasaad sa Omnibus Policies ay tumutugon lamang sa ilang pangangailangan ng OFW habang siya ay nasa ibayong dapat at may pinagkakakitaan pa. Ngunit walang naisaad na benepisyo para sa panahon na ang OFW ay nakabalik na sa Pilipinas, retirado, at wala ng pinagkakakitaan. Ilan sa pangangailangang nais ng mga OFW na tugunan ng OWWA ay ang libreng hospitalization kapag ang isang OFW ay retirado na, pension plan, at savings program. May mga nagsasabing mas nakabuti sana kung ang inilabas na pera sa Smokey Mountain project ay inilaan na lang para sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng isang hospital para sa mga OFW.

Sa gitna ng mga puna at pagbatikos sa paraan ng pamamahala ng OWWA board, dapat nga kayang ibasura na nito ang Omnibus Policies?

No comments: